Sari-sari stores umaalma sa bagong buwis sa kape, juice, at soft drinks

Manila, Philippines — Nagpahayag ng matinding pangamba ang mga may-ari ng sari-sari stores hinggil sa napipintong bagong buwis na aabot sa P10 kada litro na ipapataw sa mgatinatawag na Sweetened Beverages o SSBs katulad ng 3-in-1 coffee, powdered juice drinks, energy drinks, soft drinks, at ready-to-drink tea.

Kung maipasa sa Kamara ang bagong buwis sa mga inumin na kasalukuyang nakapaloob sa Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) ng pamahalaan, magiging doble ang presyo ng mga ito sa merkado. Ang kada sachet ng powdered juice drink na ibinibenta sa halagang P9 ay magiging P20, ang mga 3-in-1 na kape mula sa P5 ay magiging P8, ang mga ready-to-drink na juice mula P20 ay magiging P26, at ang kada litro ng soft drinks na mabibili ngayon sa halagang P16 ay magiging P25 na sa bagong karagdagang buwis.

“Hindi ko maintindihan kung bakit mga produkto natinatangkilik ng mga mahihirap ang gustong nilang patawan ng dagdag na buwis. Napaka-unfair naman. Sana isipin naman ng ating mga mambabatas na wala kaming extra income, at lalo kaming maghihirap dahil lahat ay tumataas na—gasolina, pamasahe, at ngayon pati soft drinks at kape. Sobra naman,” hinaing ni Victoria “Nanay Vicky” Aguinaldo, Presidente ng Philippine Association of Store and Carinderia Owners (PASCO).

Ayon kay Nanay Vicky, ang karaniwang sari-sari store ay kumikita lamang ng di hihigit sa P1000 sa isang araw, at P300 hanggang P400 o trenta hanggang kwarenta porsyento (30-40%) nito ay galing sa pagbebenta ng kape, juice at soft drinks. Halimbawa, sa tindahan ng isang myembro ng PASCO na may net income na P600-800 kada araw, P250-300 nito ay galing sa pagbebenta ng kape, juice at softdrinks.

Samantala, sinang-ayunan naman ni Marcia Tunogbanua, may-ari ng isang tindahan sa New Lower Bicutan, ang sinabi ni Nanay Vicky.

“Siguradong kokonti na ang mga bibili ng mga produktong papatawan ng bagong buwis na ito Hindi ko alam kung kikita pa ang tindahan ko o mapipilitan na akong magsara kapag nagsitaasan na ang presyo ng mga inumin na mabenta sa tindahan. Ako mismo, hindi ko alam kung regular pa akong makakabili ng 3-in-1 coffee, juice or soft drinks kapag naging batas na ito.”

“Tanging pag-asa na lang namin ay si Pangulong Duterte. Nananawagan kami sa kanya na sana ay pakinggan niya angapela naming mga mahihirap,” pagtatapos ni Nanay Vicky.